Ito ay
isang maikling kwento,maaring fictional sa karamihan pero katotohanan kung
isasalugar mo talaga ang sarili mo sa kanila. Isang pahiwatig ng isang batang
nasa lansangan sa darating na pasko, sasabihin ng batang ito ang mga opinyon
niya tungkol sa kung ano ba talaga ang tunay na pasko sa kanya, ano ang
pakiramdam magpasko sa lansangan. Isa lang itong kwento na bumabagabag sa isip ko.
Sana ay magustuhan ninyo.
Ako si
Ruel, labindalawang taong gulang, labindalawang taon na rin akong nasa
lansanangan, nasa ilalim ng tulay nakatira ang aking mga magulang, at
labindalawang taon na rin ako nag titiis sa ganito naming buhay. Maaring ako ay
bata pa, pero lingid sa kaalaman ng iba na alam ko na ang ibang pasikot sikot
sa buhay. Maaring hindi pa akma ang edad ko sa mga ganitong bagay, binuksan ito
ng maaga ng karanasan… Sa mga danyos na pinapasan ko sa buhay.
Mahirap
magkaroon ng tatay na lasingero, nanay na mahilig sa sugal. Labindalawa kaming
magkakapatid, daig pa ang mga mayayaman sa aming paligid. Ewan ko ba dito kay
Nanay at kay Tatay. Ginawa na atang libangan ang pag gawa ng aming mga susunod
pang magiging kapatid. Pang sampu ako sa amin, at ang sumunod sa akin ay pitong
taon at ang bunso naman ay apat na taon.
Hindi ko
lubos maisip na nagkakasya kami sa loob ng bahay, dumating sa punto na
paghihiwalay-hiwalayin kami ng aming magulang para magtrabaho o mamasukan,
dumating din yung araw na halos ibenta na ang aming kapatid sa ibang tao dahil
sa hirap ng buhay at dahil na rin sa masikip na ang bahay. Napakabaho ng aming
bahay, dahil sa labas ng pintuan sa ilalim ng tulay eh isang mabaho at maduming
kanal. Palagi na lang ganito, nakakaumay na….. Malapit na nga rin pala
magpasko–Ganito pa rin ang buhay namin.
Napapa-isip
ako parati, kung pwede bang matupad ang hiling sa pasko kahit wala kang
ginagawa, kung isa ba itong milagro na bigla na lang mangyayari. Basta daw
naniniwala ka, eh mangyayari at mangyayari ito. Pero sa lagay ko? Parang
imposible ata akong mapagbigyan ng kung sino man sa itaas ang nagbibigay
gantimpala sa mababait na batang tulad ko. Kung si Santa Claus ba o si Papa
Jesus. Kahit sino naman sa kanila ang magbigay, ang mahalaga matupad ang
kahilingan ko.
Ang
tanging hiling ko lang naman eh gusto ko makapag aral, gusto ko matuto sumulat
at magbasa, sobrang saya ko na siguro kung makakahawak ako ng lapis at papel at
isulat ang aking pangalan. Pero wala pang nakaka pag-aral sa aming magkakapatid,
kung maiisip man kami pag-aralin sigurado akong yung mga nauna kong kapatid
muna ang magkakaroon ng tiyansa makapag-aral. Naiingit ako sa mga papasok sa
eskwelahan, may mga bagong bag, bagong sapatos, bagong uniporme at yung mga
nakalagay sa tenga nila para makinig ng musika, hindi ko alam tawag dun eh,
basta alam ko pang kinig ng musika yun, kasi napapaindak sila eh.
Gusto ko
dumating din yung araw kong ganun, masaya na rin naman ako dahil buhay na rin
ako at binuhay ako ng mga magulag ko, di tulad ng ibang bata na hindi na
binubuhay ng magulang nila dahil sa hirap ng buhay, mga batang biktima ng
aborsyon. Sinasabi sa amin ng magulang namin lagi yun, na buti pa nga daw at
hindi nila kami naisipan ipalaglag. Di ko pa alam dati ang ibig sabihin nun,
pero dumating din yung araw na ipinaliwanag sa amin yon ni Ina.
Palagi na
lang malamig ang pasko namin, parating umaasa kaming magkakapatid na makakuha
ng pagkain sa labas ng mga restaurant, tapos iipunin namin yun at gagawing
BOCHA ni Nanay. Yun naman lagi ang handa namin eh, yung BOCHA. Kapag may
kapirasong laman ng manok, swerte na namin. Buti na lang at mababait ang
mayayaman sa amin, tanong ko nga sa sarili ko kung may mayaman kaya na naiisip
na huwag na lang kainin yung kinain nila at sabihin sa tauhan sa restaurant na
itapon para kapag pinulot namin eh meron kaming makukuhang kumpletong pagkain
na magkakapatid.
Siguro
masaya na ako sa ganito, kumpleto at masaya na rin naman kami kahit papano.
Hindi naman kailangan ng masarap na handa kapag pasko eh, hindi na rin
kailangan ng may regalo. Mga mayayaman lang ang may karapatan gumawa nun, yung
mga may kaya sa buhay. Pero kami? Himala na ata o sa tamang panahon pa
mararamdaman yung mga bonus na nararamdaman ng isang tao kapag pasko.
Basta sa
sarili ko, masaya ang pasko ko. Kasi kumpleto ang pamilya ko. Kahit na ganito
lang. Ang hirap magsabi ng masaya, pero may kahit sa huli. Pero wala akong
magagawa, ganito ako tinadhana, pero alam ko darating yung araw na magkakaroon
din ako ng papel sa buhay. Masyadong abala ang tao sa paglaki. Dapat ako rin.