Friday 18 December 2015

Guro: Tagahubog ng Kinabukasan ng Sambayanan

“A teacher affects eternity”
Ito ay isang katotohanan na hindi maitatanggi subalit karaniwan ay nakakalimutan at naisasantabi ng ilang mga guro sa kasalukuyan. Malaki, malawak at malalim ang epekto ng isang guro sa buhay at kinabukasan ng kaniyang mga mag-aaral at sa sambayanan. Ang kaniyang mga ibinahagi maging ito man ay pang-akademiko, pag-uugali at pagpapahalaga ay hindi masusukat ang halaga at hangganan sa hinaharap.

Dahil dito, marapat lamang na laging isaalang-alang ng isang guro ang kanyang propesyon hindi lamang bilang hanapbuhay kung hindi isa ring bokasyon o isang gawain na may kalakip na misyon para sa hinaharap.

Ano nga ba ang mga gampanin ng isang guro?

Ang isang guro ay may gampanin una sa kanyang sarili. Sabi nga ng isang manunulat “You cannot give what you do not have!” Bilang mga pangunahing tagapagturo at tagapagbahagi ng kaalaman, ang isang guro ay dapat na hindi huminto sa kanyang pag-aaral pormal man ito o hindi; sa pagkauhaw sa mga kaalaman na makatutulong sa kanyang propesyon at sa tuwina ay pagtuklas ng mga pamamaraan upang higit na mapaunlad ang kanyang pagtuturo.

Ikalawa siya ay may gampanin sa kanyang mga estudyante. Bilang ikalawang magulang sa paaralan, pananagutan ng guro ang kanyang mga mag-aaral. Ang mga ugali at pagpapahalaga ng mga ito ay tungkulin niyang hubugin sa pamamagitan ng pagiging isang modelo sa kanila. Dapat nating tandaan na mas malakas ang boses n gating mga gawa kaysa ng ating mga sinasabi. Higit sa mga kaalaman at kasanayan na kanilang dapat matutunan sa atin ay dapat ding matanim sa isipan ng mga kabataan kung bakit ba nila kailangang matutunan ang mga kaalamang ito upang sa hinaharap ay maging kapaki-pakinabang silang miyembro ng ating lipunan.

Sa mga magulang ay dapat ding makipag-ugnayan ang isang guro. Ito ay upang higit niyang makilala ang kanyang estudyante at maging kaagapay ang kanilang mga magulang sa patuloy na paghubog ng isang responsableng mamamayan sa hinaharap. Sapagkat ang estudyante ay hindi lamang umiikot ang mundo sa eskwelahan mahalagang maging angkop din ang kanilang tahanan at suporta ng kaniyang magulang sa kanyang mga pangarap.

At sa dakong huli ay hindi dapat kalimutan ng isang guro na siya ay kasapi ng isang organisasyon, ang paaralan. Dahil dito marapat lamang na siya ay matutong sumuporta sa mga patakaran at programang makatutulong sa kapakanan ng mga mag-aaral at hindi laging ituon ang pansin sa pangangailangan at kanyang sariling karapatan. Ayon nga sa isang islogan “Bayan muna bago ang sarili!”

Ang pagiging isang guro ay di biro! Maraming dapat na isaalang-alang o isakripisyo…subalit sa dakong huli kung ang iyong tungkulin ay gagampanan ng iyong buong puso at kakayahan, ito ay isang bokasyon na maaring makapagbigay sa iyo hindi lamang ng ginhawa ng iyong buhay kundi higit sa lahat ay ng kaganapan ng iyong pagkatao. 

No comments:

Post a Comment