Sunday 13 December 2015

MALIGYANG PASKO

 Maligayang Pasko
          sa lipi ko’t bayang
Hikahos at halos
          walang ikabuhay;
Gayunma’y may ganda...
          sigla...at awitang
May himig ng Pasko
          at Talang patnubay.

Maligayang Pasko
          sa mga pulubi,
Sa mga ulilang
          walang kumakasi;
Sa maraming batang
          palaboy sa kalye
At walang magulang
          na kumakandili.

Maligayang Pasko sa bayaning lihim —
Mga magsasaka sa bulubundukin;
Sa puhunang dugo’t pawis na tigisin,
Pagkain ng madla ang bawa’t anihin.

Maligayang Pasko sa kampo ni Gloria
Na dating Pangulo nitong Republika;
Kung siya man ngayo’y simping nagtitika,
Mga kasalanan — panagutan sana.

Maligayang Pasko sa mga bilanggo —
Sa nangagsisisi...dungo’t nakayuko;
Sa itinatakwil ng lipunang liko
At hinuhusgahang yagit at baligho.

Maligayang Pasko sa mga biktima
Ng pagmamalabis ng maling hustisya;
Sa kasong-Visconde na sinalamangka
Ng suhol sa huwes ng Korte Suprema.

Maligayang Pasko sa nangaghihintay
Sa wakas ng lisyang kasong-Maguindanao;
Mabubuting taong doon ay pinaslang,
May sigaw ng dugo na inihihiyaw.

Maligayang Pasko sa di makakita
Kay Hesus sa Belen ng bagong umaga;
Ang nasa karimlang kiming nagdurusa

Ay may aginaldong Pasko ng pag-asa!

No comments:

Post a Comment