Sunday 13 December 2015

Pasko

Kay bilis ng panahon Pasko na naman, at karaniwan sa atin ay nakatutok ang isip at mga plano para sa pagdiriwang nga dakilang araw na ito.
Ngunit aminin man natin o hindi, iilan sa atin ang nakakaunawa ng kahulugan at mensahe ng araw ng Pasko.
Ito ay dahil sa mahabang panahon ay unti-unting inagaw ng komersyalismo ng pagdiriwang sa araw ng Pasko ang ating atensyon.
Katulad ng mga bata, ang nasa isip natin ay kung anong damit ang ating isusuot, o saan tayo bibili, o kaya ay may sapat ba tayong pambili. Umaapaw din sa ating mga isipan ang mga bagay na ating bibilhin sa nalalapit na Paskobagong cellular phone, telebisyon, computer, DVD player, washing machine, at mga pagkaing ihahanda.
Lahat ay nakatuon sa ating sarili, at hindi sa Diyos na nagkatawang tao para sa katubusan ng ating kasalanan, bilang pagpapatunay ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa ating mga tao.
 Sa bilis ng panahon, nakalimutan na natin ang magnilay at bigyang pansin ang naging kalagayan ng anak ng Diyos na Kristo-Hesus ng siya ay magkatwang tao at isilang bilang isang sanggol sa sabsaban, sa halip na sa isang marangyang kaharian.
Taliwas ang ating mga ginagawa at plano sa ginawa ng Diyos mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan. Sa kasalukuyan, namamayani sa atin ang kapangyarihan ng salapi at nakalimutan nating magtiwala sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos.
Naalala pa ba natin ang mga imahe sa belen?  Kay gandang pagmasdan ng sanggol na si Kristo-Hesus, nakahiga sa dayami ng sabsaban.  Ngunit, dahil hindi na tayo na nagninilay o nag-iisip, hindi natin pansin sa larawang iyon ang pagtitiwala sa Diyos na masasamalamin sa sanggol.
Alalahanin natin, ang Diyos ay nagkatawang tao bilang isang sanggol na si Hesus. Siya ay makapangyarihang Diyos, may gawa ng langit at lupa, ngunit sa pagkakatawang tao niya ay hinubad niya ang katangian bilang Diyos.  Bilang sanggol, bilang isang tao, nasa kanya ang katangian ng tao bilang isang marupok na nilalang na kailangang magtiwala sa Diyos, na kanyang ginawa at ipinamalas sa atin sa mga ebanghelyo.
Mga kalalawigan, malayo na ang ating narrating at nalayo din tayo sa Diyos na mula noon hanggang ngayon ay nagmamahal at umuunawa sa atin. Pansamantala nating isantabi ang ating materyal na hangarin at magbalik loob sa Kanya.
Pagnilayan natin ang pagmamahal na ipinadama sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang nag-iisang Anak para sa katubusan ng ating mga kasalanan at pagkakaroon ng buhay na walang hanggang.
Ngayong araw ng Pasko, mas higit na ligaya at kaaliwan ang madarama kung ating yayakaping muli ang Diyos na sa ati’y lumikha at patuloy na nagbibigay ng biyaya.


No comments:

Post a Comment