Kay bilis ng
panahon Pasko na naman, at karaniwan sa atin ay nakatutok ang isip at mga plano
para sa pagdiriwang nga dakilang araw na ito.
Ngunit aminin man
natin o hindi, iilan sa atin ang nakakaunawa ng kahulugan at mensahe ng araw ng
Pasko.
Ito ay dahil sa
mahabang panahon ay unti-unting inagaw ng komersyalismo ng pagdiriwang sa araw
ng Pasko ang ating atensyon.
Katulad ng mga
bata, ang nasa isip natin ay kung anong damit ang ating isusuot, o saan tayo
bibili, o kaya ay may sapat ba tayong pambili. Umaapaw din sa ating mga isipan
ang mga bagay na ating bibilhin sa nalalapit na Paskobagong cellular phone,
telebisyon, computer, DVD player, washing machine, at mga pagkaing ihahanda.
Lahat ay nakatuon
sa ating sarili, at hindi sa Diyos na nagkatawang tao para sa katubusan ng
ating kasalanan, bilang pagpapatunay ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa
ating mga tao.
Sa bilis ng
panahon, nakalimutan na natin ang magnilay at bigyang pansin ang naging
kalagayan ng anak ng Diyos na Kristo-Hesus ng siya ay magkatwang tao at isilang
bilang isang sanggol sa sabsaban, sa halip na sa isang marangyang kaharian.
Taliwas ang ating
mga ginagawa at plano sa ginawa ng Diyos mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.
Sa kasalukuyan, namamayani sa atin ang kapangyarihan ng salapi at nakalimutan
nating magtiwala sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos.
Naalala pa ba
natin ang mga imahe sa belen? Kay gandang pagmasdan ng sanggol na si
Kristo-Hesus, nakahiga sa dayami ng sabsaban. Ngunit, dahil hindi na tayo
na nagninilay o nag-iisip, hindi natin pansin sa larawang iyon ang pagtitiwala
sa Diyos na masasamalamin sa sanggol.
Alalahanin natin,
ang Diyos ay nagkatawang tao bilang isang sanggol na si Hesus. Siya ay
makapangyarihang Diyos, may gawa ng langit at lupa, ngunit sa pagkakatawang tao
niya ay hinubad niya ang katangian bilang Diyos. Bilang sanggol, bilang
isang tao, nasa kanya ang katangian ng tao bilang isang marupok na nilalang na
kailangang magtiwala sa Diyos, na kanyang ginawa at ipinamalas sa atin sa mga
ebanghelyo.
Mga kalalawigan,
malayo na ang ating narrating at nalayo din tayo sa Diyos na mula noon hanggang
ngayon ay nagmamahal at umuunawa sa atin. Pansamantala nating isantabi ang
ating materyal na hangarin at magbalik loob sa Kanya.
Pagnilayan natin
ang pagmamahal na ipinadama sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng
Kanyang nag-iisang Anak para sa katubusan ng ating mga kasalanan at pagkakaroon
ng buhay na walang hanggang.
Ngayong araw ng
Pasko, mas higit na ligaya at kaaliwan ang madarama kung ating yayakaping muli
ang Diyos na sa ati’y lumikha at patuloy na nagbibigay ng biyaya.
No comments:
Post a Comment